mannurat.com mannurat.com mannurat.com mannurat.com mannurat.com mannurat.com

mannurat.com 9/23/2004

ang bangus, bow...

isa nga uling tula sa filipino.

gusto ko lang itong ilagay dito para naman may mailagay lang dahil wala na akong mailagay o maipanlagay, hehe! nauubusan na ako ng dapat na ilagay. pinipilit ko nga ang sarili na magsulat lang nang magsulat lang ng maski na ano at kung ano-ano para sana masanay lang na nagsusulat ulit palagi at nang matungkab sana sa aking bungo ang nagsusumiksik na katamaran o, sige na nga, writer's block kung writer's block ba ang tawag sa ganyan? kay tamad-tamad ko na kasing magsulat ng mga gusto ko sanang sulatin at isulat. di na kagaya ng dati. at kaya hetot' naisipan kong mag-blog na lang muna para maghasa nang maghasa't magpraktis nang magpraktis ng maski na anong hahasai't papraktisin.

hmmm, at napapahaba na yata ang palabra. heto na yung tula. ito'y para na rin sa mga kasamahan ko sa isang bagong sinapihang egroup na isang "onlayn na komunidad ng mga musikero, manunulat, at mga alagad ng sining-biswal, na may malalim na pananagutan sa likhang-sining na iniluluwal."

sana ay may maibahagi kahit na katiting o kapiranggot ang akdang ito...


BANGUS

1.
Ala e palaging gutom e! Laging nagugutom areng mga inakay na are, kelangang nasabuyan lagi ng patuka o kaya e laging me palutang na pagkain na susundot-sundutin ng masisibang bibig ng mga are, sobrang takaw e! Kelangan lagi ang patuka para mabilis nalaki at nabigat ang mga isda rineng alaga… Gutom nga sa tuwina itong mga mumunti pang bangus na kikislapkislap sa araw sa walang sawang paghahabula’t paguunahan mistulang malalaking kitikiti lumiligid umiikotikot sa tubig laging sumisinghap humahabhab sa ibabaw ng tubig sinasagat sa hasang ang anumang mailalamantiyan upang itae lamang pagkaraan ng ilang sandali. Wiwisikan ko sila ng patuka waring nagsasaboy ng abono sa mga punlang palay o buto sa lupa tila nagsasabog ng dakotdakot na bigas sa lalabas na bagong kasal. Magsasaboy ako nang magsasaboy uubusin ang sakosakong fishfeed wala naman yatang kabusugan itong mga putragis animo’y mga ganid na mayamang burgis na napakagahaman gusto’y kamkamin kabigin lahat sa bunganga’t bukaka ng bibig bulsa at kaha ang lahat ng ringal at dangal at kalusugan ng daigdig walang kasawasawa datapwa nama’y hindi nakararaosraos hindi nasisiyahan manapa’y payat lagi’t sakitin ang anit at dibdib sa karamdaman ng maraming mga hilig kilig at hilik.

2.
Walang patumanggang paglamon at pagkagumon walang tigil na panginginain at pagtae walang puknat na paguunahan at pagaagawan walang patid na pakikipaghamon at pakikipaghamok sa biyaya’t anyaya sa hasang at bituka. Buhaybangus na palamuni’t palakihin at patabahin sa parisukat na tubigdaigdig. Gutom laging gutom sapagkat nakapiit at walang ibang makain sa loob nitong lambat na bilibid kailangang magutom lagi ang maluwang na bungangangbangus at kapurit na utakbangus kailangang isahod iamba lagi ang bibig at ibig sa ihuhulog na grasya maski disgrasya ng langit at langib. Anaki’y mga laksalaksang masang dukhang naghahalukay nagkakahig sa tumpoktumpok o bundokbundok na basura naghahanap naghahagilap ng maipambibigas at maipambibigat sa lalamuna’t sikmurang laging natutuyo at kumakalam. Gutom kahit saan kahit kailan ay gutom. Nakapiit kahit saan kahit kailan ay nakakulong.

3.
Walang kabusugang pagpapakabusog walang kalusugang pagpapakalusog. Palalamunin ko nang palalamunin itong mga bangus palakihin nang palakihin patabahin nang patabahin. At sa katuparan at kaganapan ng paglamon at pagpapalamon sa kapalaran at katuwiran ng pagpapalaki at pagpapataba sila ri’y kakainin isisigang iiihaw ipiprito irerelyeno sila’y tila titipuning mga alagad at umiidolong isasabak ng pinuno at idolo sa kanyang pribadong hilig at negosyo isasaboy ang huling almusal na pinakamasarap na patuka’t pampaliyo saka kukuyuming lahat sa lambat pupunggusin saka iaahon tungo sa mga nag-aabang na nakangangang sisidlan at kahihinatnan. Libolibo at kilokilong bigat at kagat ito’y mainam na sandata ng tiyak na pagiral ng kapangyarihan at pagpanatili ng karangalan ng pilak at alak. Mga paing buhay mga buhay na pain para sa matatakaw na ngalangala’t dila at masisibang bulsa’t puwersa. Gutom laging gutom sa pagkain man ng bisig o pagkain ng dibdib at isip. Gutom laging nakagugutom ang kapangyarihan at kahinaan laging nagugutom sa kalayaan ng bisyo at sa karapatan ng libog. Buhaybangus buhaypalaisdaan itong mundo ng aksaya at darahop lunan ng mga gulok at bulok bayan ng mga himagsik at paninikluhod.

4.
Naani na ang mga patabaing bangus lilinisin muli’t aayusin ang bilangguang lambat maghuhulog ng mga bagong binhing bangus. Ito ang sining ng kalayaan at kulungan ito ang arte ng pagibig at pagpapaibig ito ang talinghaga ng buhay pamumuhay at pagbuhay. Paulitulit ito paulitulit ito paulitulit na sining arte at talinghaga. Muli akong magpapakain at magaalaga ng mga tuwinang gutom na presong palamuni’t patabaing bangus. Ala e palaging gutom e! Laging nagugutom areng mga inakay na are, kelangang nasabuyan lagi ng patuka o kaya e laging me palutang na pagkain na susundot-sundutin ng masisibang bibig ng mga are, sobrang takaw e! Kelangan lagi ang patuka para mabilis nalaki at nabigat ang mga isda rineng alaga…

Lawa ng Taal
Manalao, Agoncillo, Batangas
30 Marso 2002




ngapala: kaunting backgrounder sa tulang ito. may pagkataal na tagalog talaga ang tulang ito sa katotohanang nasulat ko ito mismo sa batangas, sa lawa nga ng taal mismo. dumalaw ako noon sa kuya kong nasa batangas na nag-aalaga ng mga tilapya't bangus sa lawa. napagtripan kong magpunta (ibinangka ako ng aking kuya) sa laot mismo ng lawa kung saan naroroon ang mga fish cage, dala-dala ang bolpen at kuwaderno. at doon habang nagmamasid, nag-iisip, nagpapahangin, nanonood ng mga alagang isda, sinubukang maghagis ng patuka sa mga maliliit pang bangus, sinulat/nasulat ko itong tula...

2 makuna:

idi 11:55 p. m., septiembre 23, 2004, Blogger JMom nakunana...

Naglaing ka nga agsurat, ading. I am very impressed. Imbag laengen ta nag update ka idiay PinoyBlogs, manmano ti makitkitak nga ilokano blogger. Ipakitak daytoy site mo kenni Jade (annak ko), interesado isuna nga agadal ti ilokano, ngem saan kami pay nga nakasapul ti Ilokano-Ingles dictionary.

Agsubli ak to nga agbasa into no makaawid dak. Addaak ditoy trabajo, eh. Medyo mabagal ti panagbasak ditoy blog mo ta nag-uuneg met ngamin ti ususarem nga sao. It is quite awesome. So proud of you!

 
idi 2:58 a. m., septiembre 26, 2004, Blogger fionski nakunana...

Malalim na Ilocano mo, malalim pa rin Tagalog mo! Haaaayy! Asan na ba ang talatinigan ko? Hehehe!

 

Publicar un comentario

<< Home