isang tula (kak)
isang lumang tula (luma para sa akin dahil matagal ko na itong nasulat) na gusto kong ihain dito para naman mapanindigan ko ang sabi kong magpi-filipino rin ako sa blog na 'to, hehehe! (pero magi-iloko pa rin ako siyempre pa, at baka naman ang mga katoto kong ilokano ang maging feeling intimidated naman sa aking pag-a-angga-anggalog!)
may salin ito sa iloko at nalathala sa bannawag (marso 10, 2003 isyu sa pamagat na "riing"). pero sa filipino orihinal na nasulat talaga, peks man! ganon talaga yun pag bilingual o trilingual kang manunulat, pag trip mong isinasalin-salin ang mga akda mo ayun sa pangangailangan (halimbawa sa lathalaan o kaya sa mga patimpalak) o kaya basta simpleng trip lang. sa ganang akin maraming sinulat ko sa iloko ang isinalin ko rin sa filipino. at may mga orihinal filipino rin akong mga akda na may salin sa iloko. sa isang banda'y isa na rin itong paghahanda sa isang balakin kong balang araw ay maglathala ng librong bilingual (kapapalooban ng aking mga akda sa iloko at filipino).
GISING
Isa ring paggising ang yapos ng poot sa gunita.
Isa ring pagbangon, isa ring pagmulat ang sikdo
ng alalahanin, ang pagsidhi ng ngitngit
o pag-alab na muli ng kinukuyom na alaala
at pagtitimpi. Isa ring pagkahimasmas wari ang yakap
ng galit sa diwa. Isang pagsisiwalat ng saloobin, isang
pagkatagpo sa kulong na tampo. Kung paanong
magwiwisik ng tubig sa mukha sa lagi’t laging daratal
na umaga, o maghilamos ng mata’t muta, isa ring
paggising ang galit sa paghuhugas sa nasa
at paglalanggas sa pasa ng pita.
Hindi nawawala, lumilingkis sa tuwina ang anyaya
ng paggunita. Maingay din ito katulad
ng malakas na kulo at gulo sa bunganga ng tubig na ipanmumumog
sa bawat umaga upang tipunin at tuklapin
sa bawat sulok ng ngipi’t gilagid, ng dila’t
ngalangala, ang panis at bulok na laway
saka idadahak at itatapong lahat. Ang yapos
ng poot ay paglilinis sa poot. Ang yakap
ng galit ay pagsisipilyo sa ngipin ng galit.
Isa ring paggising, isa ring pagbangon
ang mapoot at magalit upang humupa
ang alaala ng gunita, upang mapahupa ang gunita ng alaala.
Ang umaga’y umagang lagi’t laging darating.
Gigising kang payapa, may ngiting katulad
ng pusang magigising at maghihimod sa balahibo mag-iinat saka
ibubunggo-bunggo ang ulo sa binti ng among nagpapainit
ng kape’t naghahanda ng sinangag. Ang poot ay mantikang kukulo
ngunit magpapapula sa bawang at sibuyas at luluto
sa estrelyadong itlog at pritong tuyo. Kay sarap
ng bagong gising, kay sarap ng laging nagigising! Sapagkat
isa ring paglimot ang bawat paggising.
Sapagkat isa ring katuparan ang bawat poot.
At isa ring pagtanggap ang bawat paggunita.
At isa ring pamamatawad ang bawat pag-aalala.
0 makuna:
Publicar un comentario
<< Home