tulala
isa uling tula, tulang tulalang nakatutulala, bakasakaling di mamutla, di mamula ang tula sa tula.
mapapansin ng mga katotong ilokano't kasanggang mannurat na halaw ito, kung hindi man lubos na salin, sa ilan ko nang tulang iloko. matagal-tagal na rin ang tulang ito. naisipan ko lang iblag dito ngayong ramadan, araw na pista ofisyal sa bansa, walang pasok pero pinapasok at pumasok pa rin kami dito sa ofis dahil sa may dumating na mataas na ofisyal ng congregasyong madreng seynt paul of tsarts. uhummm. kailangang nandirito kaming mga manggagawa ng seynt pul yu imbes na magpista ofisyal sa haybols. naknamputchang buhay. kung kailan holiday saka may pasok. eniwey, oks na rin para makapagbabad na maginternet dine sa ofis at maka-tsibog ng libre mam'ya sa piging na idadaos ng mga madre cacao, bwehehe! (patawarin ako ni seyntpul!)
kaya itong tula. dahil walang maisip na maganda-gandang iblag, ito na lang muna. para dahilan na ring makapagtagalog, este makapag-filipino pala, ulit.
MGA TALA'T TULA NG PAMAMALENGKE'T PANINILIP SA PANAHON NG MGA BAGO'T LUMANG LIGALIG
1. paninilip
ibinubulong ng mga bunso ang mga tamang kasagutan
sa mga nagdurugong katanungan ng kalingkingan kong may sakit.
ngunit hindi ko masilip ang sinasalawalan ng nagkukumahog na umaga.
may tigdas ang mga gatilyo, anong kati ang puwedeng maigamot?
magpapakapon din kaya ako sa mga kumakatawan ng langit?
magkokondom kaya ako tuwing kantutin ko ang aking palad?
anong himig ang puwedeng isabay sa halinghing ng dasal?
anong kulay ang puwedeng itapal sa namumuting mga mata?
anong klase ng kilabot ang iraramay sa kinatatakutan ng hintuturo?
ibinubulong ng mga bunso ang mga tamang kasagutan.
iniuusal ng mga nuno ang mga tamang lunas.
ngunit hindi ko masilip maski salawal ng nagkukumahog na umaga.
nakita ko na ang basahan at ang kutsilyo sa dulo ng hirap.
natagpuan ko na pati ang mga kalansay na nakatago sa noo.
nakita ko na rin ang langit sa pagitan ng mga hita ng nangangarap.
ngunit hindi ko pa masilip ang sinasalawalan ng nagkukumahog na umaga.
lasing na lasing ang mga obispo sa alak ng diyos ng bayabas
kaya siguro nagkalat ang mga sutanang itim at salawal na pula.
ano kaya ang kulay ng punlay ng titi ng nagpapanggap na manunubos?
puti kaya ito, o pula, o baka naman itim, o baka naman rosas?
ibinubulong ng mga bunso ang tamang sagot.
dinuguan ang meryenda ng panganay na sugat,
bulalo ang hapunan ng mga dikong ng pilat.
ngayo'y alam ko na kung saan nagmumula ang mga pulang lapis.
ngayo'y batid ko na ang pinagmumulan ng mga pulang papel.
ngunit hindi ko masilip ang sinasalawalan ng nagkukumahog na umaga.
ano kaya kasi ang itinatago ng talahib, ng bundok, ng balikat, ng gulugod, ng bisig?
kailan kaya ang tag-ulan, kailan maaararo ang tigang na bukid?
kailan maaani ang mga mansanas? kailan gagapasin ang damo sa silid?
kailan mapapahinga ang paang pata sa lakarin at lakaran sa luma't bagong ligalig?
kailan masisiyahan ang palad, ang kamay, sa pangako ng dibdib at bibig?
ibinubulong ng mga bunso ang mga tamang kasagutan
ngunit hindi ko masilip ang sinasalawalan ng nagkukumahog na umaga.
2. pamamalengke
mahal ang mga itinitindang kinabukasan.
magkano na ba ngayon ang isang tumpok na dunong?
hindi matawaran ang mga nagbebenta ng maraming kasaysayan.
isang kasaing na bigas lang ang halaga ng binyag at pangalan.
isang kasubong kanin lang ang inililimos sa libong dalamhati.
nagugutom ang palad sa palad din. naghahabulan
ang mga daga sa masel at sa dibdib. naglilimlim ang kamao
ng baga at sundang. kumakalam ang mga sikmura, nakatalungko
ang mga malay. di mapakali ang uwak saka ang maya, parito
sila't paroon. gutom ang palad sa palad din.
mahal ang mga itinitindang pangarap at bukas.
nalilibugan pa naman ang mga lalamuna't tiyan
at buntis ang mga santang dinadasalan ng kahit tutong.
hindi matawaran ang mga tindera ng maraming kasaysayan.
ni wala na ngang mai-alay na nganga o kaya'y alak
bakasakaling mahabag ang mga naniningil ng buwis.
bakasakaling maawa ang mga pumipigil sa tangis.
bakasakaling masiyahan ang mga guro ng ligalig.
nangalalagas ang mga ngipin at nagrereklamo ang mga puntod.
panahon ng mga bangkay na di matatalibaan ng siga't usok.
naglilimlim ang kamao ng baga at sundang. araw ng pagtikom
ng mga bibig at isip. gabi ng pagtatae at pamamaga ng mga bisig.
nagugutom ang palad sa palad. nagkakanunal ang mga titi,
nangaghihimagsik ang mga bayag kaya walang
natitirang birhen: puki man, kamay o daigdig. naglilimlim
ang kamao ng baga at sundang.
napakamahal ng mga ibinebentang hinaharap.
magkano na rin sa ngayon ang isang bungkos na sentenyal?
puwede bang umutang na maski isang piraso?
hindi namamatawad ang mga tindero ng kasaysayan.
hindi namamatawad ang mga eredero ng kasalukuyan.
nakatungayaw, nakaturo sa langit ang mga uhay sa bukid, ni tulyapis
walang nakasabit: mas masarap marahil mangayuko sa bigat ng hitik.
walang maipanlunas, walang lunas sa lalamuna't bitukang
nagkatrangkaso't nagkasipon. nakikidasal ang lata't gusi ng palabigasan
sa prusisyon ng mga kabaong.
naglilimlim ang kamao ng baga at sundang. gutom
ang kamay sa kamay, ang palad sa palad.
gapos sa rosaryo ang mga kamay at paa ng manunubos.
walang silbi ang mga alay sapagkat sandat pa ang langit.
walang patawad ang mga nagbebenta ng kasaysayan.
napakamahal ang mga tindang kinabukasan.
isang bayong man ang pera'y di makabili ng maiisip.
isang bayong mang pera'y di maipambibili ng pangalan.
ang palengke'y pag-aari ng mga diyos na wala sa kasaysayan.
ang mga tindero't tindera'y nagtatala lamang ng mga bayad at sayad.
ang pamamalengke'y magpakailanmang pangungutang ng kinabukasan.
ang pamamalengke'y magpakailanmang pangongotong ng kasalukuyan.
hindi mamatawad ang mga tindero ng kasaysayan.
hindi mamatawad ang mga eredero ng kasalukuyan.
gutom ang mga kamay sa kamay, ang mga palad sa palad. ngunit
patuloy na maglilimlim ang mga kamao ng baga at sundang.
puwede ko na rin sigurong banggitin dito (walanghiyang ako) na ito nga pala ang tulang nagkamit ng karangalang banggit sa talaang ginto: gawad surian sa tula-gantimpalang collantes ng komisyon sa wikang filipino noong 2002. wala lang.
0 makuna:
Publicar un comentario
<< Home